Real world drama
Mula nang magkolehiyo ako, tumanim na sa aking isipan ang mga paalala ng mga propesor (at maging ng ilang fourth year students na kilala ko) kung gaano kahalagang maging handa ka para sa “real world.” Sa madaling sabi, ito ang karerang tatahakin mo sa oras na magtapos ka sa Pamantasan. Simula noo’y pinilit kong alamin kung paano magiging training ground ang Unibersidad upang palakasin ang kani-kaniyang kakayahan at kahinaan—mula sa pagpepresenta ng ating mga sarili sa harap ng maraming tao, sa pakikipagkomunika, at sa paglilinang sa sari-sarili nating forte.
Kamakailan lang ay na-experience kong pasukin ang “real world” na ito nang sumailalim ako sa on-the-job training at natuklasan kong hindi naman pala ito kasing bangis sa inaasahan ko. Sa aking palagay, hindi naman talaga ang totoong mundo ang kalaban natin—ito ay ang sari-sarili nating mga multo na kung hindi natin magagapi ay lalamunin tayo ng buhay.
Ang mga multong ito na kilala rin bilang lack of confidence, insufficient skills, at—ang pinakakilala ng lahat—fear,ay panadyang lalabas kapag nagsisimula ka nang sumabak sa buhay. Sa sarili kong karanasan, mula nang tahakin ko ang daan patungo sa industriya’y kasa-kasama ko ang insecurities na ‘yan. Dumating tuloy sa punto na naitanong ko sa aking sarili: Handa na nga ba talaga ako?
“Hindi naman talaga ang totoong mundo ang kalaban natin—ito ay ang sari-sarili natin”
Para sa freshmen na makakabasa nito, hindi ito isang panakot ngunit isang paalala. Naniniwalaakong dumarating naman talaga ang lahat sa punto kung saan kukuwestiyunin natin ang ating mga sarili kung sapat na ba ang mga nabuno nating kaalaman at kakayahan sa loob ng apat, lima, o higit pang taon upang mapatunayan nating kaya na nating panindigan ang pagiging professionals. Mahaba-haba pa naman ang panahon at habang pare-pareho pa rin nating tinatapos angating mga “training” sa Unibersidad ay mas pagtuunan natin ng pansin ang ating mga kahinaan, at iwanan na ang takot na pumipigil sa ating pag-unlad bilang isang indibidwal.
Kaugnay sa isyung ito, napag-alamang mahina sa mga job interviews ang mga mag-aaral ng DLSU-D, ayon sa Language Learning Center. Kung tutuusin, level one pa lang ‘yon sa pakikipagtagisan natin sa industriya at nakababahalang sa unang parte pa lamang ng laban ay marami na ang nahihirapan. Hindi naman natin ito maisisisi sa ating Pamantasan dahil tayo mismo ay responsable sa pagpapabuti ngating mga sarili.
Para sa ilan, maaaring ituring na minor issue lang ito. Ngunit kung iisipin nating mabuti, isa ang job interview sa magpapasiya ng kakayahan nating dalhin ang ating sarili. Ito rin ang mag-iiwan ng impresyon sa mga tao. Sabi nga sa sikolohiya, dulo pa lang ito ng mala-iceberg nating dilemma. Nariyan pa ang major points tulad ng skills, competitiveness, at proficiency na kailangan nating alalahanin upang maging malakas na kompetensiya sa industriya.
Alam ko namang hindi madaling alisin ang ating mga insecurities pero ganoon talaga, wala namang bagay na madali sa umpisa. Ngunit sa oras na magtagumpay tayong talunin ang ating mga multo, hindi na tayo matatakot harapin ang totoong mundo.
***
Naniniwala ako sa kaisipang “mind over matter.” Kung iisipin mong hindi mo kaya at panghihinaan ka ng loob, marahil magkatotoong matalo ka. Hindi sapat na sandata lang ang prestihiyosong pangalan ng ating Unibersidad. Hindi sapat na panama ang makapal at magandang resume na ipapasa mo. Hindi sapat na nagtapos ka lang ng iyong kurso. Ang pinakaimportanteng sandata mo’y ang nahubog mong pagkataong hindi basta-basta maitutumba ng anumang reyalidad ng mundo.