Back

Sinumpaang tungkulin

Naglipana sa social media ang mga opinyo’t saloobin tungkol sa iba’t ibang isyu sa ating bansa. Ika-16 ng Agosto nang maibalita sa buong bansa ang sinapit ng menor de edad na si Kian Lloyd delos Santos na nagdulot ng mas pinainit na giriian ng iba’t ibang paniniwala ng mga Pilipino patungkol sa estado ng sangkapulisan at ng kanilang kapangyarihan bilang mga alagad ng batas.

Ngunit hindi natatapos ang kuwentong ito rito, nito lamang unang araw ng Setyembre, naibalitang namatay ang dating mag-aaral ng UP Diliman na si Carl Angelo Arnaiz, 19 taong gulang, matapos niya di umanong mangholdap ng isang taxi driver sa Novaliches. Ayon pa sa mga ulat, napag-alamang nakaranas muna ang binata ng pagto-torture sa kapulisan bago ito tuluyang patayin.

Mula sa mga nabanggit na pangyayari, maarami sa netizens ang naniniwalang inaabuso ng kapulisan ang kanilang kapangyarihan sapagkat sila’y pinoprotektahan ng ating pangulo. Sa kasawiangpalad, marami sa atin ang nawalan na ng tiwala sa kapulisan dahil sa sunod-sunod na isyu kung saan ang pulis ay kumikilos nang hindi naaayon sa “due process”  upang masabing sila’y sumusunod lamang sa utos ng pangulo.

Sa kabilang banda, mayroon ding mga pumapanig sa ating sangkapulisans. Ayon sa kanila, masyado lamang maraming Pilipino ang takot sa pagbabago—at ginagawa lamang ng mga pulis ang kanilang tungkulin. Subalit pagbali-baliktarin man natin ang mundo, naniniwala akong mali ang sistema sa ating bansan pagdating sa usaping hustisya—at hindi tayo dapat magsilbing manonood lamang sa katiwaliang ito.

Walang puwang ang takot sa mga puso na may ipinaglalaban

Oo, kabilang ako sa mga taong naniniwalang may mali sa ating sistema partikular na sa pamamalakad ng ating sangkapulisan. May mga bagay na hindi maisasawalang bahala lalo na’t sakop ako ng sistemang ito—sakop ang mga mahal natin sa buhay, gayon na rin ang mamamayan ng Pilipinas.

Isa sa mga argumentong aking nakita ay ang katanungang “Bakit ganoon na lamang magalit ang sambayanan sa kapulisan sa halip na sila’y magalit na lamang sa mga kriminal o adik?”

Marahil nga’t sa tingin ng iba’y mas malaki ang pagkakasala ng mga kriminal at adik, subalit ang pinagkaiba rito ay ang pananagutang mayroon ang sangkapulisan.  

Hindi rin natin maikakailang nangako sila na gagampanan ang kanilang trabaho nang marangal at buong puso sa harap ng gobyern’t maging sa sambayanan. Pinagkalooban sila ng malaking responsibilidad upang matiwasay nilang maipakita sa mga taong dapat silang pagkatiwalaan—na para sa ikabubuti ng mamamayan ang kanilang pakay.

Pinagkalooban sila ng baril at posas—mga makapangyarihang kagamitang kayang kumitil ng buhay—hindi dahil binibigyan sila ng karapatang ipakita kung gaano sila kamakapangyarihan kung hindi’y upang gamitin lamang ito nang naaayon sa batas at pangangailangan n gating bansa.

Nakalulungkot lamang isiping sa halip na maging rason ang kapulisan upang mawala ang takot ng mamamayan, sila pa tuloy ang nagiging dahilan kung bakit naitatanim ang takot sa bawat isa.

Sa lahat ng mga mambabasa,  aking hinihimok ang bawat isa sa inyo na alamin at pag-isipang mabuti ang lahat ng ating nababasa at napapanood. Dahil sa oras na ating mapagtanto kung ano ang tama, ‘wag sana tayong matakot ilaganap ang katotohanan.

Walang puwang ang takot sa mga puso na may ipinaglalaban. Ang mababang pagtingin sa sarili nating opinyon at ideya ay nagdudulot lamang ng takot at hindi pagkukusang manguna sa napapansin nating katiwalian pagdating sa kapulisan. Hindi dahil sa makapangyarihan ang nasasadlak sa ganitong uri ng isyu ay hindi na rin tayo kikilos. Tapos na ang mga panahong tayo’y tagapanood na lamang dahil ang pagsasawalang-kibo sa kasamaan ay hindi nangangahulugang pagpanig sa kabutihan.

Post a Comment