Swipe right o swipe left
Isang taon na rin mula nang magsimula akong maghanap ng mapagkakaabalahan para mapawi ang aking pagkabagot. Marami na akong nakilala, nakita, at nakasama. Nakakatakot kung tutuusin, nakakakaba ngunit nang lumaon nama’y nakasanayan na. Samu’t-sari ang aking napagtanto—mga bagay na nakaapekto at sumalamin sa aking pagkatao.
***
Sa pagdaan ng bawat araw, hindi natin maiiwasang mapa hawak sa ating mga phones upang tignan kung may nag-text at nag-chat sa atin—mga patunay na parte ng ating pamumuhay ang mga gadyets. Bukod dito, nariyan na rin ang samu’t saring appsupang gabayan tayo sa ating mga gawain, o kaya nama’y upang mapalawak ang ating pakikipagtalastasan at pakikipagkilala sa iba’t ibang tao saan mang parte ng mundo—partikular na sa tulong ng social media o kaya sa pagkakaroon ng tanyag na mga “dating apps.”
“You have a new connection!”
Nang isulat ko ang artikulong ito, malinaw na sa hinagap ko na iba na talaga ang uri ng pakikipagtalastasan sa henerasyon nating ito. Mula sa personal na pakikipagkilala noong panahon ng pluma, papel, at telegrama, ang “phone pal” at “pen pal” na kanilang pagsuyo sa isa’t isa ay naturingan na natin bilang makaluma dahil na rin sa asensado at mabilis na komunikasyon sa kasalukuyan. Ang pagsulpot ng Tinder, Bumble, Tantan, Omegle, at iba pang dating apps na sa isang pag-swipe lang ay mas mapapadali ng ating pagkilala at pagpapakilala sa taong ating napupusuan.
“It’s a Match!”
Ayon sa sarbey na isinagawa ng YouGov—isang internet-based market research data analytics firm—nito lamang Nobyembre 2017, 56 porsyento ng kabataang Pilipino ang aktibong gumagamit ng online dating apps. Gayunpaman, kanya-kanya pa rin ang dahilan ng mga kabataan sa paggamit ng iba’t-ibang plataporma na ito. Base sa mga nakausap kong gumagamit ng mga aplikasyong ito, ang kanilang pangunahing rason talaga ay ang paghahanap ng makakausap. Para sa iba, malayo sa panghuhusga ang pakikipag-usap sa taong bago pa lamang nakikilala dahil na rin sa limitadong detalyeng nalalaman sa bawat isa.
Walang makakapigil at mangmamata sa kung paano at ano ang istilo ng ating pakikipagkilala.
Dagdag pang dahilan ay ang mas simpleng paraan ng pakikipagkilala Ang kinaganda ng pagkakaroon ng birtwal na pakikipagusap ay hindi na asiwa ang isa’t isa sa kanilang unang pagkikita; dulot marahil ng mababaw ngunit sapat na pagkakakilanlan na nabuo sa tulong ng mga dating apps. Nariyan rin ang bukas na pag-intindi sa mga paksang nahahagip lalo na sa mga sensitibong usapin. Aminin man natin o hindi, malawak na ang ating ideyolohikal at kultural na pang-unawa na nabuo sa pag-usbong ng mga pagtanggap at pag-aaral, gaya na lamang ng kultura ng pre-marital sex. Kaugnay nito, nariyan rin ang mga kabataan na naghahanap ng relasyon sa pag-asang dito makakakilala ng taong makakasama pangmatagalan. Isa ring mabisang paraan din ang social apps sa pagkakaroon ng tiwala sa sarili. Sa ganitong paraan, walang makakapigil at mangmamata sa kung paano at ano ang istilo ng ating pakikipagkilala.
“Boom! Connected.”
Para sa mga nakatatanda, ang ganitong pamamaraan ay lubhang mapanganib dahil na rin sa mga panganib dulot ng pakikipagkita sa nakilala online tulad ng pagsasamantala, pagnanakaw, at kung sa kasukdulan—pagkamatay. Ngunit para sa mga milenyal, ito ay isang lunduyan ng malayang komunikasyon at paghahanap ng taong makakaintindi sa pinagdadaanan ng bawat isa. Sa kabila ng magandang samahan at relasyon na naidudulot ng dating apps, nakaakibat pa rin ang mga negatibong epekto nito tulad ng paglayo ng loob sa mga taong pisikal na nakakasama, pagkapuyat dahil sa magdamagang pag-uusap, at pagka-stress sa mga pag-asang tatagal ang mga panandaliang pagkakaunawaan
“You both liked each other.”
Sa kabila ng mga positibo at negatibong dulot ng online dating apps, marami pa ring kabataan ang patuloy na gumagamit ng mga aplikasyong ito. Ngunit tunay pa ring mas mainam ang pakikipagkilala ng personal at pakikipag-ugnayan sa mga taong nakapaligid sa atin kaysa sa mga taong walang katiyakan kung hanggang kailan gaganahang makinig sa ating kwento. Mabibigyan tayo agad ng aksyon o mungkahi sa bagay na ating pinagdadaanan, kasama na ang pagkakaroon ng mga kaibigang nariyan kahit anumang kaganapan. Dagdag pa rito ang pagpapalakas ng loob sa paraang aktwal na pakikipagtalastasan ng harapan at pagpapakita ng kung anong mayroon sa taong nakakasalamuha. Hindi naman masama ang paggamit ng dating apps upang makakilala, ngunuit nasa atin ang desisyon kung paano ibabalanse ang buhay sa aktwal at birtwal— pati na ang mga limitasyon dito.
“You’re in control of this conversation.”