Back

To talk about politics is too nakakapagod, Bimb

Pasintabi sa mga pagod na mag-acads at kasalukuyang nasa “I need to put myself first din naman” stage: ang lahat ng bagay ay politikal—maski ang literatura at sining ay may espasyo sa kritisismong ito. Sa maraming napapailing sa pahayag na ito, madalas sa kanila ay ang napagbubuksan ng bintana ng politika—ang mga nabibiyayaan sa namamayaning istruktura ng lipunan. Bakit pa sila lalabas sa kanilang mga pribiliyehidong bubble, samantalang ang kanilang panlipunang uri, etnisidad, at kasarian ay malayong masamantala ng karahasan at pambubusabos ng bulok na sistema?

Kasalukuyan tayong naninirahan sa isang Third World country na nalulunod sa sarili nitong mga kontradiksiyon. Pagkatapos mong mag-ala First World shopping sa mall na may daan-daang mga manggagawang kontraktwal, maglakad ka ng onti sa mga kalye at mapapalingon ka—ate, akin na lang barya mo ‘te. Sa takot mong manakawan, dali-dali kang tatawid sa mga sakayan habang minumuning buhat ng lahat ng iyon ay katamaran ng mga magulang ng batang musmos. Wala naman akong magagawa kung iyon ang itinakdang buhay sa kanila. Sa pag-alis ng iyong sakay, unti-unti mo na ring natatanggap ang kasalukuyang sistema ng uring panlipunan. Hindi naman ako naaapektuhan. Iyon ang pribilehiyo mo, hinaharangan ang iyong mga mata’t bumubulong sa isipan mo.

Ngunit kailangan paahunin ang isda sa dagat na kanyang kinasanayan, upang makita niya ang kanyang ginagalawan sa mas malawakang perspektibo at lente. Ang panlipunang uri ay hindi natural na phenomena—ito ay socially constructed at itinaguyod ng kasalukuyang sistema. Sa mga salita nga ni Rolando Tolentino, “Paano ginagawang pinakamatamis na pulot ang pinakamasaklap na panlipunang karanasan?”

Mahigit sampung milyong Pilipino ang naghihikahos at nabubuhay sa pagsalunga. Namamayani ang kontraktwalisasyon. Ikatlo ng populasyon ang naninirahan sa baba ng poverty line. Hindi pag-mamayari ng mga magsasaka ang kanilang lupang itinatrabaho.

Maaaring malabo sa ating mga lente ang laban ng mga manggagawa sa panlipunang uri, ngunit ito ang realidad para sa mga magsasakang patuloy na iniaalay ang kanilang mga dugo, pawis, at buhay upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa lupa; sa mga manggagawang patuloy na nininingas ang laban para sa regularisasyon.

To talk about politics is too nakakapagod, Bimb. Ngunit tangan ang kolektibong aksyon at pagsasaboses ng mga karapatang pantao, ang pagod na nararamdaman ng mga isinasantabing sektor ng bayan sa lansangan, ang magsisilbing tanglaw sa pagpapalaya.

Post a Comment