Back

The luxury of living a slow life

Originally published in Heraldo Filipino Volume 38, Double Issue

 

“Slow living” daw ang tawag sa pamumuhay nang mabagal at balanse. Ito ‘yung pamumuhay kung saan mas nakakapaglaan ka ng oras para sa sarili mo at sa mga mahal mo sa buhay, gaya ng paghahanda ng lutong-bahay, pag-meditate, pag-self-isolate, at marami pang ibang bagay na sa Pilipinas—na mayayaman lang ang may kakayahan.

Ngayong papalapit na ang pagtatapos ko sa kolehiyo, naghahalo-halo na ‘yung saya, pananabik, takot, at pangamba, lalo na nitong magbalik-tanaw ako. Napagtanto ko kasi kung gaano kabilis ang naging takbo ng buhay ko sa mga nakaraang taon. Pakiramdam ko, ako si Nam Haneul ng Doctor Slump na mas pinipiling mag-aral at gumawa ng articles para sa freelance work ko kahit sa mga bakanteng oras—bagay na malayong-malayo sa marangyang konsepto ng slow living.

 

***

 

Luho ang tingin ko rito, kabaligtaran ng ideya ng karamihan na itinuturing itong sining. Para sa akin, para lamang ito sa mga tao na mayaman pagdating sa oras at maging sa kakayahang pumikit sa mga isyung panlipunan. Para lamang ito sa mga taong nagagawang hindi mangialam at turuan ang sarili nila sa mga isyung hindi naman sila direktang apektado.

Sorry, guys, may meeting kami today.” Isa lamang ito sa mga katagang madalas kong nababanggit sa aking mga kaibigan at mga magulang habang ako’y isang estudyanteng mamamahayag. May mga pagkakataon din na bigla akong tumitigil sa pakikipaglaro, dahil may balitang pumasok at nangangailangang mailathala sa social media ng The HERALDO FILIPINO. Isa lamang ang kuwento ko sa maraming kuwento ng mga estudyanteng mamamahayag, lider-estudyante, at mga youth organizations na mas pinipiling maging mulat at gampanan ang tungkuling pinili nila, kasabay rin ng mga akademiko at personal nilang gawain kapalit ng pribilehiyo ng slow living.

Minsan din sa pagko-komyut ko pauwi, naranasan ko ‘yung pakiramdam na tila isa akong zombie na nakikipag-unahang makasakay sa mga jeep at bus. Lahat kaming mga komyuter ay gusto nang makauwi sa kani-kaniyang mga bahay, kahit pa pagsabit sa jeep o pagtayo sa bus na lang ang opsyon. Ngunit kung tutuusin, mayroon namang mga alternatibo sa ganitong sitwasyon tulad ng ride-hailing services ‘gaya ng Grab at Joyride. Ayon pa nga sa artikulo ng BFI Finance, bawas daw sa stress ang isa sa mga mabubuting dulot ng slow living, ngunit paano nga ba ‘to magiging kabawasan kung sa bawat alternatibo ay problema lang din sa ibang bagay, tulad ng pera, ang dulot nito?

Money can’t buy you happiness.” 

Lumaki ako sa katagang ito, sa paniniwalang hindi rapat niro-romantiko ang pagkakaroon ng maraming pera. Pero ngayon, hindi ba pera din ang nagbibigay sa atin ng dagdag oras para higit na matuunang pansin ang mga prayoridad natin sa buhay? Nabibigyan tayo ng bawas na oras sa komyut; maging dagdag oras sa pamilya imbis na sa maraming trabaho, para lang mairaos ang mga bayarin at gastusin.

 

***

 

Bagama’t tila suntok pa rin sa buwan ang slow living lalo na sa mga third world county katulad ng Pilipinas, may parte pa rin sa akin na nagnanais na makaranas nito. Sa pagtahak ko ng landas sa labas ng eskwelahan, hiling ko rin na magkaroon ako ng sapat na oras para makapagtimpla ng brewed coffee, at hindi lang instant na siyang bumuhay sa’kin sa mga abalang umaga, maging gabi, habang nasa kolehiyo.

Hiling ko rin na magkaroon ng pribilehiyong makapaglaan pa ng oras sa mga bagay na sing- at higit pa ang halaga sa kape

Marami pa akong gustong paglaanan ng oras na hindi ko magawa dahil ang slow living ay nagiging kapasidad lamang ng mga mas nakaaangat.

Post a Comment