Ukol sa Wika at Panitikan: búhay at buháy
Kamakailan lamang ay ipinag-utos ng Korte Suprema sa Commission on Higher Education (CHED) ang pagtanggal ng mga asignaturang Wika at Panitikan sa kurikulum ng kolehiyo na tinatawag na CHED Memorandum Order (CMO) No. 20 Series of 2013. Ngunit ang memorandum na ito ay lumalabag sa RA 7104 o ang Organic Act of the Komisyon sa Wikang Filipino, ang RA No. 232 o Education Act of 1982, at ang RA No. 7356 Organic Act of the National Commission for Culture and the Arts. Kung kaya’t kaakibat ng pagsabog ng balitang ito ay ang samu’t saring opinyon at mga tanong ng mga Pilipino kung pinapahalagahan pa ba ng gobyerno at ng ating sistemang edukasyon ang ambag ng mga asignatura na ito sa pagpapausbong ng kamalayan, imahinasyon, at pagkakakilanlan natin bílang mga Pilipino.
Batay sa report Philstar Global, maaaring mahigit sampung milyon na mga guro ang matanggal sa trabaho dahil sa memorandum na ito. Mariin na kinokondena ng mga guro, mga propesyonal sa larangan ng wika, panitikan, at kultura, mga manunulat, mga mambabasa, at mga organisasyon tulad ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) ang pagtanggal ng Wika at Panitikan sa kolehiyo dahil sa patuloy na pag-atake ng Korte Suprema sa mga asignaturang ito kahit noon pa man. Noong 2015 ay nag-isyu ang Tanggol Wika ng isang temporary restraining order (TRO) para panatiliin ang mga asignatura sa kurikulum ng kolehiyo. Ngunit pinagpatuloy pa rin ng CHED ang CMO sa kabila ng TRO. Kasalukuyang pinaglalaban pa rin ng organisasyon ang naging desisyon ng Korte Suprema—nagsasagawa ng mga forum tungkol sa kalagahan ng Wika at Panitikan at mga kilos-protesta kung kaya’t mapapansin na naglipana ang pakikiisa ng mga netizens sa pamamagitan ng paggamit ng profile picture na kulay itim na nagsasaad ng pagsuporta sa Tanggol Wika. Kung para sa iilan, ito ay isang mababaw na pakikipaglaban, dahil ano nga ba ang kahalagahan ng Filipino at Panitikan? Hindi ba itong mga kurso ay tila interest subjects na lamang? Electives? Hindi naman magagamit ng mga estudyante sa kanilang mga trabaho. Ngunit malaki ang nakaambang epekto nito, unang-una sa pagkakakilanlan natin bílang Pilipino.
Hindi maihihiwalay ang wika sa kaibuturan ng ating pagkatao. Nakasanig ito sa bawat buka ng ating bibig, sa bawat ligalig ng ating isip, at sa ating pang-araw araw na búhay. Hindi ito kailanman mawawaksi ng kahit anong batas, o kagustuhan ng naghaharing-uri na mang-alipusta ng yamang kultura. Kung kaya’t ang pagtalikod natin sa wika at panitikan ay pagtalikod sa ating kasaysayan, sa ating laban para sa kalayaan, sa ating sarili, at sa ating bayan. Ika nga ni Jose Rizal, “ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda.” Isang kabalintunaan isipin na marahil ay nakakalimutan na ito ng mga taong nasa kinauukulan—mga tagpaglingkod ng bayan na siyang dapat na magpanatili sa ating wika at panitikan.
Ang pagtalikod natin sa wika at panitikan ay pagtalikod sa ating kasaysayan.
Isa pang salot sa ating Wika at Panitikan ay ang walang habas na kultura ng rebisyonismo na unti-unting linalason and ating sistemang edukasyon. Hindi makakaila na ito ay isang manipestasyon ng isang komersyalisado at mala-kolonyal na sistema ng edukasyon. Ang pagtanggal ng Wika at Panitikan ay komersyal dahil sa kagustuhan ng reaksyunaryong gobyerno na ito na paigtingin ang mga kursong patok sa mga dayuhang bansa katulad ng nursing, o engineering at iba pa. Kung kaya’t kitang-kita ito sa kultura nating mga Pilipino na nakabatay ang pag-asenso ng isang tao kung sa ibang bansa siya nagta-trabaho kagaya ng imperyalistang Amerika.
Kung tutuusin, ang ideya ng pagiging globally competitive ng ating sistemang edukasyon ay isa lamang dayag, dahil kung huhukayin, makikita na nagiging negosyo na lamang ang kalakaran ng edukasyon upang paboran at magsilbing kalakal sa mga naghaharing-uri at imperyalistang bansa. Investment, ika nga, ang mga estudyanteng nagtatapos mag-aral ng “magandang” kurso. Ang edukasyon natin ay mala-kolonyal dahil naka-angkla pa rin sa pagiging westernized ang mga tinuturong asignatura, kung kaya’t ang dali na lamang para sa CHED na tanggalin ang Wika at Panitikan sa kolehiyo na tila isang natapos na aralin na nakasulat sa pisara.
Binabaon na sa limot ang ating wika at panitikan sa patuloy na kibit-balikat ng ating neo-liberal na edukasyon. Kapalit nito ang kagustuhan ng global market ang mga kursong may pera, mga kursong pagkatapos mag-aral ay maninilbihan sa mga dayuhang bansa. Sa bawat araw, unti-unting binubura ang ating pagkakakilanlan habang ang mga estudyante ay patuloy na nakakadena sa isang komersyalisado na edukasyon upang linlangin, maliitin, at maging alipin ng mga banyagang korporasyon at bansa. Manindigan tayo at lumaban sa paurong na sistemang edukasyon at ating itaguyod ang isang makamasa, makabayan, at siyentipikong edukasyon. Magsisilbi itong hámon sa atin na panatiliing buháy ang mga asignatura na hindi lamang nagpupurga ng imahinasyon kundi nagpapaunlad ng kamalayan, at mapanuring ideolohiya at pag-iisip sa mga kabataan. Mananatili pa rin na matatag ang Wika at Panitikan sa pagsulong para sa isang malaya at mapagpalayang bayan.