Back

Usapang move on

Ang kapangyarihan ay hinuhulma ng mga kamay ng oras—lumalakas lamang sa paglipas ng panahon. Ipinapataw ito ng mga hintuturong yari sa bakal, sinusupil at pinapahinto ang mga walang laban at mahihina. Hinuhulma ang mga ito base sa dikta ng oras—sa tanikala ng kasalukuyan hanggang sa pangako ng hinaharap. Nakikipagsabayan sa tinis ng alingawngaw ng mga sigaw at pagsusumamo ng isang masang ginigipit.

***

Ayon kay Imee Marcos, nakalimutan na raw ng mga milenyal ang madilim at masalimuot na mga pangyayari noong rehimen ng kanyang ama—ang yumaong diktator na si Ferdinand Marcos. Naisip ko noon habang binabasa ang kanyang pahayag, habang salubong ang aking mga kilay, kung gaano nga ba kadali ang makalimot—ang maka-move on sa panahon kung saan malawakan ang pagpaslang at pagpapatahimik sa masang Pilipino?

Nagdaan ang araw ng mga bayani noong Agosto 27 at muling sumagi sa ating isipan ang palihim na libing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Sa mga panahong iyon, napagtanto ng iilan kung ano nga ba ang kahulugan at kahalagahan ng isang bayani; at kung matatawag ba natin na isang bayani si Makoy na ibinaon ang bansa sa P26.2B na utang na siyang papasanin ng mamamayang Pilipino (o ang mga taxpayers) hanggang 2025, batay sa datos ng GMA News.

Hindi lamang binaon ni Marcos ang bansa sa utang. Sa kanyang panunungkulan, sinupil niya ang midya at mga pahayagan na binalak kalabanin ang kanyang rehimen. Ipinag-utos din niya  sa tutang kapulisan at militar ang pagpaslang sa 3,240 na mga katao, pagpapakulong sa 70,000 na Pilipino kabilang na ang mga aktibista at mga mamamahayag, at pagpapahirap sa 34,000 na oposisyon gamit ang mga hindi makataong pamamaraan ayon sa Amnesty International.

Umalingawngaw pa rin ang kawalan ng hustisya matapos ang ilang dekada. Walang makakalimot sa mga kapulisang bumubungad na lamang sa mga kabahayan upang dakipin ang mga lumalaban sa pasistang at diktaduryang rehimen ni Marcos. Hindi maibabaon sa hukay ang mga bata, matanda, babae, at lalaking pinaslang at pinatahimik Marcos upang mapanatili ang “kapayapaan at kaayusan,” sa isang lipunang pininturahan ng dugo ang mga kalsada at eskinita.

Ang diktaturya ni Marcos ay hindi lamang nag-uugat sa matinding alitan ng mga Marcos at ng mga Aquino, taliwas sa pahayag ni Imee. Ang paniniwala na dapat na tayong makalimot ay isang tahasang pag-atake sa ating demokrasya. Hindi ko hinangad na ibaon sa nakaraan ang martial law—na isang bangungot lamang ang libo-libong mga buhay na tinuldukan at mga kinabukasan na sinugpo. Dahil ang panaginip ay nalilimutan, ngunit ang opresyon at pagpapatahimik, kailanma’y hindi mabubura sa ating kasaysayan. Kung iisipin natin na isa lamang itong bangungot, hindi natin makikita ang pangkalahatan at pangmalakasan na boses ng masa laban sa karahasan.

Dapat tayo’y manindigan sa pag-giit ng pananagutan

Para kay Imee Marcos: bilang isang kabataan, hindi namin makakalimutan ang karahasan na idinulot ng kanyang ama. Wala rin siyang karapatan upang kumatawan sa aming mga boses, dahil sila ang unang lumapastangan sa boses ng kabataan na dapat sana’y pag-asa na ng lipunan. Hangga’t hindi nagbibigyan ng hustisya ang bansang nilugmok sa opresyon, HINDI KAMI MAKAKALIMOT.

Malinaw na rin siguro ang sagot kung madali nga ba maka-move on sa diktaturya ni Marcos. Hindi ito madaling malilimutan na parang isang panaginip, isang pagkakamali, isang dalamhati, o isang galos sa ating gunita. Hindi sapat na tayo’y hindi makalimot dahil alam natin na kahit ano mang pagmamakaawa nila, hindi iyon magwawaksi ng kanilang mga krimen—dapat tayo’y manindigan sa pag-giit ng pananagutan. Pananagutan na mas dakila pa sa pagkilala ng mga biktima ng martial law o pagbigay ng kabayaran, dahil hindi maiwawasto ng anumang halaga ng pera ang pagkawala ng magulang, anak, o kapatid. Para tuluyan tayong sumulong (move on and move forward, ika nga ni Imee Marcos) bilang isang progresibong lipunan at bansa, kailangang managot ang mga Marcoses sa kanilang mga krimen dahil patuloy na mamamalagi ang masalimuot na alaala ng martial law sa isang lipunan na winasak ng diktaturya at tanikala ng kahapon.

Kailanma’y hindi tayo magiging ligtas o malaya—ito ang katotohanan kung saan nararapat tayong mamulat at magsilbing batingaw upang manindigan at lumaban. Hindi man natin maibabalik ang mga buhay na nawala sa dilim, mayroon tayong boses upang palakasin ang pinapatahimik na masang Pilipino patuloy na nagiging biktima ng opresyon. Dahil lumipas man ang mga dekada, at matunaw man ang mga kandila sa pag-alala sa mga namatay, nawala, lumaban noong martial law—susulong tayo, ngunit hindi kailanman makakalimot.

 

Post a Comment