Why UAAP sucks?
Para sa aking huling column, gusto kong punahin at balikan ang mga issue sa larangan at mundo ng sports. Minsan mo na sigurong narinig, napanood maski isang laro, o ‘di kaya’y nahumaling sa University Athletic Association of the Philippines o mas kilala bilang UAAP, ang pinakamalaking collegiate tournament sa bansa. Sino ba namang hindi nakakakilala kay Jeron Teng at Mika Reyes na kapwang nagsimula sa UAAP at ngayon ay nasa larangan na ng professional sports. Ngunit sa bawat pagpupunyagi ng mga tagahanga ng patimpalak na ito, ay ‘di ko maintindihan ang pag-usbong ng kapuna-punang kalakaran gaya na lang ng pagtutok sa sponsors sa halip na sa mismong laro.
Hawak-hawak ko noon ang remote control nang maalala kong may volleyball game pala ang La Salle laban sa Ateneo kaya dali-dali kong inilipat ang channel at laking pagkadismaya ko sa aking nadatnan. Tadtad ng advertisements mapa-pagkain, telecommunications company, at bangko ay lumulubog-lilitaw na lamang sa TV screen. Hindi lamang iyon, dahil sa bawat limang puntos ay bigla kong maririnig ang katagang “let’s take a break and give way to our sponsors” o ‘di kaya ang highlight na “Brand x spike of the game” na susundan ng walang katapusang commercials tungkol sa shampoo na pampahaba raw ng buhok. Ilang puntos na ang nakalipas, hindi ko na rin naabutan kung ano na ang nangyari sa laro.
Marahil hindi natin masisi ang UAAP sa dami nitong advertisements at commercials dahil binabawi nila ito sa production mismo ng paligsahan. Subalit hindi ko rin maatim na nabahiran na ng komersiyalismo at kapitalismo hanggang sa unti-unting natatakpan na ang essence of sports ang tournament na gaya nito. Idagdag mo pa ang walang katapusang awards galing pa rin sa iba’t ibang sponsors gaya ng (brand ng sim) strong team of the season, (brand ng tinapay) player of the season, at (bank X) up and coming player award na may kalakip na cash prize na umaabot ng P50,000. Aba teka, ano palang koneksyon ng sim card, tinapay, at bangko sa paglalaro ng isang atleta at bakit kailangang isang dipa ang cheke na may naka-imprinta ng perang napanalunan nila? Sa aking pagkakatanda, hindi isang money contest ang mga patimpalak na katulad ng UAAP bagkus ay naniniwala ako na makaroon lang ng tropeyo o medalya, masaya na ang mga atleta. Dahil ang karangalan na naibibigay eskwelahan—iyan ang essence ng pagiging isang student–athlete, hindi para sumikat at maimbitahan sa Tonight With Boy Abunda o maging cover ng magazine.
Mas marami pang mga palaro ang dapat mong mapansin hindi lang ang mainstream na UAAP, nariyan ang mga patimpalak na sinasalihan ng ating Patriots gaya ng National Capital Region Universities and Colleges of Luzon Athletic Association (NCRUCLAA) na televised at ang prestihiyosong Private Schools Athletic Association o PRISAA na kompetisyon ng mga unibersidad mula local, regional, hanggang buong bansa. Huwag nating i-pokus ang mga mata natin sa isang patimpalak na dahil lamang sikat at pinapanood maski ng kapitbahay niyo, ay papanoorin mo na din. Katulad na lang sa mismong Unibersidad natin, maraming koponan at mga atleta diyan na kailangan lang ang moral support o ‘di kaya yell and cheer—at hindi ang umaapaw na sponosors.
***
Ito siguro ang sikreto ng UAAP kung bakit patuloy ang pag-improve ng TV production at coverages ng nasabing paligsahan. Ngunit kung patuloy din ang pag-agaw eksena ng mga kompanyang pilit ipinamumukha sa atin ang kanilang produkto imbis na mapanood ng maliwanag ang umaatikabong aksyon ng La Salle kontra Ateneo. Hindi ko sinasabing tanggalin na ang komersyalismo sa mga competition dahil isa itong marketing strategy pero ating tandaan na hindi mo kailangan ng mabilis na internet o ‘di kaya bagong sim card para maging isang matagumpay na koponan.