Back

Paruparo

Nandiyan na sila.

Takbo.

Huwag na subukan pang lumingon.

TAKBO!

***

Malalim na ang gabi nang umuwi ako galing sa trabaho. Habang naglalakad, sari-saring bagay ang sumagi sa aking isipan. Siguro kung mayaman lang ako, nabawasan na ng siyamnaput-siyam ang mga problema ko. Sa kalagitnaan ng pangangarap, bigla akong natigilan nang may mapansin akong lagusan sa talahiban malapit sa taniman ng saging. Araw-araw naman akong dumaraan dito ngunit parang ngayon ko lang ito nakita. Hindi ko man naisin ay kusa akong dinala ng aking mga paa patungo sa lugar na mistulang isang hardin. 

Alas-onse na pero bakit parang ang liwanag? Sinubukan kong kusutin ang aking mga mata. Namamalikmata lang siguro ako. Paulit-ulit akong kumurap ngunit lalo lang akong naakit na sumilip kaya’t tumuloy ako at pumasok sa kahinahinalang lugar. 

Asul, dilaw, puti—iba’t-ibang kulay ang bumati sa ‘kin ngunit sadyang kakaiba ang kintab ng pula. Pagpasok ko sa santwaryo, para akong napunta sa ibang mundo, isang paraiso na walang ibang sasagi sa paningin kundi kaayusan at sigla. Kahit saan lumingon ay tigib ang hardin ng mga kawili-wiling halaman at pananim. Nagsasayawan ang mga maririkit na bulaklak sabay sa musikang akda ng hangin. Bawat malabay na sanga ay may bitbit na malulusog na bunga. Hindi rin nagpapatalo ang berdeng alpombra ng lupa na animo’y bagong gupit. Walang bakas ng pagkalanta sa lugar na ito. Nagliliparan ang mga paruparong suot ang matitingkad na pakpak sa payapang espasyong kinatatayuan ko. Ang ilan ay dahan-dahang dumapo sa aking kamay at braso. Mukhang masaya sila na bumisita ako ah!

Nagpatuloy ako sa pamamasyal habang nag-iisip kung papaano ikukwento sa iba ang tungkol sa bagong natuklasan. Sayang ‘di ko nakuhanan ng litrato! Siguro puwede akong magtayo ng negosyo rito kapag naging pasyalan, ang ganda ‘eh! Naku, yayaman na ako!

Naalintala ang paghanga ko nang may marinig akong kaluskos sa may likod ng puno at  hindi ko na pinigilan ang sarili na ito’y sulyapan. Bigla akong napangiwi nang malanghap ko ang hangin. Amoy pinaghalong ihi at dumi. Tinakpan ko na lamang ang aking ilong at hinawi ang mga nakasabit na baging. Natigilan ako, nanlaki ang mga mata, at napahawak sa bibig. Pamilyar. Walang anu-ano’y bumagsak ako’t napaupo sa mamasa-masang lupa.

Pinagkakaguluhan ng malalaki at itim na paruparo ang isang bangkay sa putikan. Si Mang Tonyo. Siya ang kapitbahay naming isang linggo nang nawawala. Ayon sa mga bali-balita, nagpaalam lang daw siya na bibili ng binhi sa bayan ngunit hindi na bumalik.

Kinapa ko ang malagkit na putik at dugo ang kumapit sa mga palad ko. Kaya pala iba ang pula. Napansin ko rin na ang mga paruparong kumapit sa akin ay nagsisimula nang magbago—kumukupas na ang kanilang kulay at unti-unting nangingitim. Dali-dali akong tumayo at tumakbo. Hindi ko na alam ang gagawin o kung saan pupunta. Halos ‘di na ako makakita dahil sa mga namumuong luha. Hindi ko na napansin ang mga nakausling ugat ng matandang puno ng balete at ako’y napasubsob. 

“Ate, tulungan na po kita,” biglaang sambit ng lalaki mula sa aking likuran.

Inilahad niya ang kanyang palad at sa taranta ay agad na lamang akong kumapit at buong lakas na iniangat ang sarili.

“Salamat!” Paglingon ko sa kanya ay nakita kong tinutupok na ng mga paruparo ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan. Nanunuyot at maputla ang kanyang balat habang malalim na ang lubog ng kanyang mga pisngi. Sinubukan niyang ngumiti ngunit naninigas na ang kaniyang laman. Hindi ko na nagawang sumigaw at dali-dali na akong lumayo. Sabihin niyo sa akin na panaginip lang ang lahat ng ito.

Walang katapusan ang bawat hakbang, parang inikot ko lang ang isang malaking bilog. Sa gilid ng higanteng bato sa tabi ng daan ay may batang nakatayo. Sa wakas! Pero bakit parang nag-iisa siya? Paano kung parehas lang kaming hindi makalabas dito? Sino ang tutulong sa amin?

“Bata! Bilis! Umalis na tayo dito! Humingi tayo ng tulong! Nakakatakot ang lugar na ito!” Natataranta kong sigaw habang papalapit sa kanya. Paghawak ko sa balikat niya’y agad siyang lumingon.

“Wala naman pong katakot-takot.”

Pinagpipiyestahan na ng mga paruparo ang mga mata niya.

Bigla akong nakaramdam ng hapdi sa sugat na nagmula sa pagkadapa ko kanina. Nagsimula na. Sinubukan kong itaboy at tanggalin ang mga paruparong naaakit sa ‘king dugo  at habang lalo akong pinagpapawisan ay lalo rin silang dumarami. Napaluhod at napasigaw ako sa sabay-sabay nilang pagatake sa akin. Paula, bakit ka pa kasi pumunta rito? Nakarinig ako ng mas marami pang pagaspas. Tama na. Hinang-hina na ang katawan ko at nagdidilim na ang paningin. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at nanalangin na sana matapos na ang pagdurusa. Isa ba akong bulaklak na alay sa kanila?

***

“Naku po! Alas-onse na! Patay na naman tayo nito!” 

Nagmamadaling umuwi si Lea galing sa eskwelahan, bitbit ang tambak na responsibilidad. Bukod sa sermon ng kaniyang nanay, takot na rin siya sa kumakalat na balita.

“Ano kayang meron? Ang dami nang nawawala. Una, si Mang Tonyo, sunod, ‘yong anak ng tanod at ‘yong lalaking dayo. Tapos, kahapon lang, si Ate Paula naman. Sabi nila baka raw na-kidnap!” Nagtayuan ang mga balahibo ni Lea at hindi niya maiwasang maging mapag-matiyag sa paligid.

“Ano ba ‘yan! Kanina pa ‘tong sintas na ‘to,” Habang tumatawid sa makitid na daan malapit sa taniman ng saging ay huminto siya upang mag-tali ng sintas nang may isang paruparong dumapo sa kanyang daliri. 

“Ang ganda,” bulong niya.

Post a Comment