DLSU-D nagwagi by default, SPCBA bigong sumipot
Hindi natuloy ang nakatakdang sagupaan ng DLSU-D at San Pedro College of Business Administration (SPCBA) Tigers nang bigong sumipot ang kabilang koponan na nagbigay daan sa pang-apat na sunod na panalo ng Patriots sa 10th United Calabarzon Collegiate League (UCCL) men’s basketball league eliminations na ginanap sa First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH) Gymnasium Tanauan, Batangas, kahapon, Agosto 20.
Nagpakita naman ng pagkadismaya si UCCL Chairman Lito Arim matapos hindi nagbigay abiso ang SPCBA sa kanilang pagliban. Ayon kay Arim, ito ang unang beses sa season na nagkaroon ng absentee at ang maaaring dahilan daw nito ay ang winless streak ng Tigers.
“May naka-stipulate na penalty sa rules [na] meron silang fine na 5,000 [pesos] at aside from the fine, maaring hindi sila (SPCBA) makasali sa susunod na season,” dagdag pa niya.
Samantala, upang maitala bilang win–by–default, itinuring naman bilang ready–to–play players sina Patriots Patrick Jamon, Karl Jacob Khan, Pacholo Loor, Christian Benedict Loyola, at Romiko Vidanes.
Makakasalpukan ng Patriots sa susunod na laro ang Calamba-based squad na Laguna College of Business and Arts (LCBA) sa Huwebes, Agosto 25, alas-kwatro trenta ng hapon sa parehong lugar.