Back

Patriot cagebelles, tinambakan ang Chevrons para sa pangalawang sunod na panalo

4

Bagamat kulang ang presensiya ng head Coach na si Tito Reyes, matagumpay na nakamtan ng DLSU-D Patriot cagebelles ang pangalawang sunod na panalo matapos pulbusin ang sister school na De La Salle Lipa (DLSL) Green Chevrons, 79-39, sa 10th United Calabarzon Collegiate League – Basketball Women’s Division na ginanap sa Spectrum Gym, DLSL, Lipa, Batangas kahapon, Agosto 6.

Itinanghal bilang player of the game si Mariel Campasa nang iwagayway ang bandera ng Patriots matapos mag-ambag ng 21 puntos na binubuo ng mga perpektong three-point shots.

Kaagad na nagpasiklab si Campasa sa simula ng laban matapos magpakawala ng isang trifecta na sinundan naman ni Patriot team captain, Janine Well Rodriguez ng isang drop shot, 5-0. Pinaigting ng Patriots ang kanilang opensa sa unang kabanata ngunit napigilan ng Chevrons ang 19-0 scoring spree ng DLSU-D nang makapuntos ang Batangeñang si Merry Maghirang sa ilalim ng ring, 19-2

Hindi nagpatalo ang Chevrons sa nanaig na momentum ng mga taga-Dasmariñas matapos pumana si DLSL player Marinel Faye Magpantay ng sunod-sunod na three-point shots, 58-30. Pinilit habulin ng mga Batangeña ang malaking agwat sa iskor ngunit binigo sila ni Patriot Diane Reyes nang tapusin ang laro sa isang layup, 79-39.

Muling makakasagupa ng mga Patriots ang mahigpit nilang katunggali na Emilio Aguinaldo College – Cavite (EAC-C) Vanguards na gaganapin sa First Asia Institute of Technology and Humanities Gymnasium, Tanauan, Batangas sa Agosto 14.

Post a Comment