Rush hour
Maga-alas dose na ng gabi nang ako’y makarating sa bahay. Gaya ng dating gawi, nakapatay na ang mga ilaw. Agad kong naamoy ang katol mula sa aming silid na laging sinisindihan ni misis bago kami matulog. Nakangiti akong pumasok, umaasang maaabutan ko pang gising ang aking mag-ina. Nakita ko ang nauupos na katol pero walang senyales ng kahit sinuman. Nag-ikot ako sa banyo, sa kusina, at kahit sa likod ng bahay—ngunit hindi ko sila natagpuan. Sinubukan kong isigaw ang kanilang mga pangalan ngunit walang tinig na lumabas mula sa bibig ko.
Naalimpungatan ako at kasabay ng pagmulat ng aking lumuluhang mga mata, napagtanto ko na nasa loob pa ako ng opisina. Nakaramdam ako ng pagtaginting mula sa aking bulsa na lalong gumising sa pupungas-pungas kong diwa. May tumatawag sa aking telepono.
“Rodel, nasaan ka na?” Umiiyak na bungad ng aking misis mula sa kabilang linya.
“Linda? Bakit ka umiiyak?”
“Si Giselle…” hindi ko na naintindihan ang mga kasunod niyang sinabi, tanging ang labis na paghagulgol ang namutawi sa pagitan naming dalawa.
***
Halos naghihikahos sa pagmamadali ang lahat makaalis lamang bago maabutan ng trapik ng rush hour, habang ang iba ay nakatutok sa naipon na trabaho.
“Ang aga ata ng uwi mo ngayon, Rodel?” bungad ni Gerald nang masalubong ko siya palabas ng opisina.
“Oo eh, tumawag si misis, ang taas daw ng lagnat ng bunso naming si Giselle.”
“Naku! O’ siya sige, ingat!”
Matapos naming kumaway, sabay kaming tumalikod sa isa’t isa.
***
Pasado alas sais ako umalis ng opisina, mag-aalas nuwebe na ng gabi ngunit nandito pa rin ako at nag-aabang ng masasakyan pauwi. Lagpas na ata sa sampu ang mga jeep na dumaan pero lahat ay naguumapaw ng pasahero. Ang mga bus naman, halos hindi na maisara ang pintuan dahil sa dami ng pasaherong nagsisiksikan sa loob. Nangangamba akong baka madurog ang mga bitbit kong prutas para kay Giselle kapag ipinilit ko ang aking sarili roon.
Sanay na ang aking mga mata sa liwanag ng mga dumadaang sasakyan. Hindi na rin ako naririndi sa ingay ng kalyeng tila hindi napapagod, kasama ng mga pasaherong araw-araw na nakikipagsapalaran.
Huminto sa harapan ko ang isang bus pa-Cavite, at kumpara sa ibang mga dumaan, marami ang bumaba dahilan upang magkaroon ng bakanteng puwesto sa loob. Agad akong pumasok at nakasipat ng bakanteng upuan sa pinakadulo ng sasakyan. Wala pang isang minuto, agad na umalis ang bus nang mapuno ng pasahero.
Mula sa likod ng sasakyan, kapansin-pansin ang hindi maipintang mukha ng bawat isa. Wala nang natirang espasyo sa pagitan ng mga nakatayong pasahero na natutumba na dahil sa pagkaidlip, habang ang iilan ay nakikinig ng musika mula sa kanilang cellphone. Mababakas sa kanilang mga mata ang pagod at pagkasabik namakapagpahinga. Nang pumawi sa aking isipan ang salitang pahinga, napasandal ako sa bintana at tuluyang pumikit.
Art by Angelo Cuyson